Marikina Mayor Del de Guzman’s State of the City Address 2014


STATE OF THE CITY ADDRESS
Mayor DEL R. DE GUZMAN
4th Regular Session

7th City Council
29 January 2014

Marikina Mayor Del de Guzman photo

Marikina Mayor Del de Guzman photo from Marikina PIO

Sa nakaraang taon, hinarap ng ating bansa ang pinaghalong mga biyaya at hamon.  Ang pambansang kabuhayan ay umunlad kung kaya’t binansagan ang ating bansa bilang emerging economy.  Halos lahat ng international credit rating entities ay nagbigay ng credit upgrades na matagal nating pinangarap.  Ito ay resulta ng pamamahala na may seryosong pagpapahalaga sa good governance, transparency, accountability at paglaban sa katiwalian.

Subalit sa nakaraang taon, ang ating bansa ay naharap din sa mga matinding pagsubok.  Hinambalos tayo ng napakalakas na lindol at super typhoon Yolanda – – –  na tinatayang pinakamalakas na bagyo na tumama sa kalupaan sa kasaysayan ng ating bansa.

Mapalad tayo sapagkat ang ating lungsod ay hindi hinagupit ng mga kahalintulad na kalamidad.  Bagama’t may mga banta ng pagbaha dahil sa matinding pag-ulan, walang casualty na naitala at walang gaanong pinsala sa ari-arian.  Ito ay bunga ng ating maagap na evacuation at pangkalahatang paghahanda.  Higit sa lahat ay ang katatagan ng ating mamamayan at ang ating matibay na paniniwala na kaya nating harapin ang anumang pagsubok.  Si  DILG Sec. Mar Roxas mismo ang nagsabi na . . . Ang Marikina ang isa sa may pinakamahusay na disaster preparedness at pre-emptive evacuation na kanyang personal na nasaksihan.

Kung ang ating bansa ay umani ng pagkilala, ang lungsod ng Marikina ay ginawaran din ng mga mahahalagang parangal kabilang na dito ang mga sumusunod:

  • Top Three Cities in the Philippines in Economic Dynamism (Given by: National Competitive Council)
  • Top Ten Most Competitive Cities in the Philippines (Given by: National Competitive Council)
  • KALASAG Award:2nd Best in Highly Urbanized City in Disaster Risks Reduction and Management (Given by: Office of Civil Defense and DILG)

Hayaan po ninyong ilahad ko ang ilan sa ating mahahalagang naisakatuparan sa nakaraang taon.

Sa larangan ng Administrative at Social Governance

  • Matagumpay nating nailunsad ang citywide at barangay level validation ng mga resulta ng Community-Based Monitoring System (CBMS) na sa unang pagkakataon ay nagbunga ng imbakan ng mapagkakatiwalaang mga datos na magagamit sa tunay na participatory at consultative city planning at sa pagbabalangkas ng mga napapanahon at akmang programa at proyekto.
  • Nagpalimbag at namahagi ng Citizen’s Charter bilang gabay ukol sa mga serbisyo ng pamahalaang lungsod.  Ito ay isang patunay sa ating seryosong pagtataguyod sa transparency at client-friendly city hall.
  • Nakapaglaan tayo ng sapat na pondo sa Special Education Fund (SEF) para tustusan ang mga pangangailangan ng ating mga pampublikong paaralan.
  • Dalawang pampublikong paaralan sa Marikina:  Marikina High School at Concepcion Elementary School ang napabilang sa 34 na modelong paaralan sa buong bansa upang maging pilot ng Continuous Improvement Program sa ilalim ng Total Quality Management in Basic Education Project ng Department of Education.  Ang proyektong ito ay naglalayong ipagpatuloy at pag-ibayuhin ang mga inisyatibo ng mga napiling paaralan hinggil sa child-centered learning.
  • Pamamahagi ng College Educational Assistance sa 1,500 mag-aaral sa Marikina.  Ito’y isang intervention na taunan nating ginagawa upang  makatulong  sa pag-aaral o sa pagtatapos sa kolehiyo ng mga estudyanteng kapos sa pananalapi.
  • Nais ko ring purihin at pasalamatan ang ating labing anim (16) na barangay sapagkat napanatili nila ang mahusay na serbisyo sa kanilang mamamayan.  Salamat sa inyong pakiki-isa.  Mabuhay po kayo!
  • Nairaos natin nang matahimik at maayos ang halalang pambarangay noong buwan ng Oktubre at naluklok sa pwesto ang magiging mga katuwang natin sa pamamahala.

Sa larangan ng Social Services

  • Katuwang ang DSWD-NCR, umabot na sa 7,332 ang mga benipisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
  • Pinasinayaan at ngayon ay fully operational na ang Children in Conflict with the Law (CICL) Center mula sa PhP25 milyong pondong insentibo na nakamit ng lungsod bilang isa sa apat na LGUs sa Metro Manila na napagkalooban ng good housekeeping seal ng DILG.
  • Nakapagpamahagi tayo ng Philhealth IDs at Membership Data Record (MDR) sa 3,925 benepisaryo.

Sa larangan ng Pangkabuhayan

  • Inilunsad ang Marikina Sapatos Festival 2013 at ang taunang Shoe Caravan sa Metro Manila LGUs, malls at karatig na business centers na sa huling tala ay kumita ng PhP45 Million o katumbas ng 92,585 pares ng sapatos at tsinelas.
  • Nakumpleto natin ang pagpapalit ng ilaw sa ating pampublikong pamilihan mula sodium lights patungong high efficiency LED lights.
  • Nakapagtala ang ating LRPESO ng 5,115 rehistradong aplikante sa mga ginanap na quarterly job fairs.
  • Sa datos ng BPLO – 2,313 ang bilang ng mga bagong negosyong nagparehistro, 13,201 ang nagpa-renew samantalang 649 ang nagsara na.  Ito ay patunay na mas nakakaakit tayo ng mga karagdagang mamumuhunan.
  • Ang ating Gross Revenue Collection sa taong 2013 ay umabot sa PhP1.743B.  Nakapagtala tayo ng 93% tax collection efficiency rate.  Sa lahat ng mga income generating offices, maraming salamat po sa inyo.

Sa larangan ng Kapayapaan, Kaayusan at Seguridad

  • Naikabit na ang 100 CCTV cameras sa nga istratehikong lugar ng lungsod kasabay ng pagbubuo ng isang state-of-the-art Command Center sa pangalawang palapag ng Marikina City Health Office na magiging fully operational sa taong ito.
  • Matagumpay na operasyon ng Marikina Anti-Drug Abuse Council sa pakikipag-ugnayan sa PDEA-NCR na nagresulta sa pagkakadakip sa mga notorious drug pushers at users sa Barangay Sto. Niño noong Septyembre 2013.

Dahil sa mga matagumpay na programa at kahusayan ng Marikina Anti-Drug Abuse Council, ito ay binigyan ng parangal ng Dangerous Drugs Board kalakip ang cash incentive na PhP5M na ating gagamitin sa pagpapatayo ng WOMEN and JUVENILE REHABILITATION CENTER.

  • Gumagana na ang ating Text Blast Equipment na may kakayahang magpadala ng mga text messages sa lahat sa anumang brand ng cellphone sa loob ng 500 meter radius.

Sa larangan ng Pangkalikasan

  • Isinaayos ang Marikina-Brampton Friendship Park at naitayo ang Knights of Columbus Park, Cityhood Park, Korean Park kasabay ng iba pang open spaces.
  • Nakapagtanim tayo ng 6,000 seedlings ng mga hardwood species at 2,000 saplings ng robusta coffee para sa regreening at rehabilitasyon ng Marikina Watershed katuwang ang DENR, ilang malalaking kompanya, mga pamantasan, NGOs at civic groups.
  • Napanatili natin ang 100 porsyentong garbage collection efficiency sa loob ng buong taon.
  • Matagumpay nating naidaos ang Cityhood Fun Ride na dinaluhan ng 750 bicycle enthusiasts.  Ang aktibidad na ito ay isang patunay ng pagiging bicycle and environment-friendly ng ating lungsod.
  • Nais ko ring ibalita sa inyo na ang Marikina ang napiling maging host ng 2nd International River Summit na gaganapin sa buwan ng Nobyembre 2014 sa Marikina Convention Center.

Sa larangan ng Pangkalusugan

  • Natamo natin ang mga sumusunod na katangi-tanging gawad parangal: Red Orchid Award ng DOH ukol sa Anti-Smoking Campaign; 2013 Most Outstanding Healthy Lifestyle Advocate; Champion for Health Governance Award at Outstanding Botika ng Barangay.
  • Nasimulan nating itayo ang Balubad Health Center at Lying-In-Clinic.

Sa larangan ng Pagawaing-Bayan

  • Gumagana na ang pumping stations sa Green Street, Concepcion at sa Riverside Drive sa Provident Village.  Ito ay nakakatulong ng malaki sa pagpigil sa pagtaas ng tubig sa kasagsagan ng tag-ulan sa mga nasabing lugar.
  • Natapos na ang Phase I ng Bagong Gusaling Lehislatibo.
  • Nasimulan at ipinagpapatuloy ang pagtatayo ng bagong gusali ng Pamantasan ng Lungsod ng Marikina na may 6 na palapag at 72 silid aralan.
  • May mga bago tayong engineering equipment tulad ng long-arm backhoe, telehandler, bobcat, ten wheeler dump truck at spider at paparating na ang aerial basket at ang ating dredging machine.

Sa puntong ito ay hayaan nyong ilahad ko sa inyo ang ilan sa mahalagang kaganapan sa larangan ng lehislasyon.

  • Makasaysayan at kauna-unahang live streaming ng paperless session ng Konseho noong ika-24 ng Hulyo sa layuning magkaroon ng access ang ating mga konsehal sa mga legislative documents in digital form.  Nakatipid tayo ng PhP1M sa halaga ng papel at imprenta.  Ang sistemang ito ay kinikilalang modelo ng DILG na plano nitong itaguyod at isulong sa buong bansa.

Nararapat lamang nating kilalanin at purihin ang mga inisyatibo ng ating City Council sa larangan ng e-governance through information technology.  Kabahagi nito ang: e-library, e-archiving at e-legislative tracking.  Natatangi at kapuri-puri po kayo!

  • Naipasa ang sumusunod na mahahalagang ordinansa: paglikha ng City Veterans Affairs Office (CVAL); pag-apruba sa Revised Senior Citizens Code; pag-adopt sa Marikina Revenue Code; pagpapalakas sa implementasyon ng Tuberculosis Control Program at pagtiyak na lahat ng aplikante ng business at building permit pati na ang nasa construction at repair works ay kukuha muna ng public liability insurance.

Sa taong 2014 ang mga proyektong pang-imprastraktura na ating popondohan ng sapat ay mga sumusunod:

  • Bagong City Hall
  • PLMar Building-Phase II
  • Legislative Building-Phase II
  • CICL Building-Phase II
  • City Children’s Library
  • Manpower Development Center
  • Double Arm Twenty Nine Units High Mast sa Katipunan St., Concepcion Uno
  • Flood Control sa Concepcion Creek
  • Balubad Health Center
  • Road at Roadside Improvement sa iba’t-ibang barangay
  • Dredging ng Marikina River

Kabilang sa mga Legislative Agenda para sa 2014 na ating imumungkahi sa lehislatura ay ang mga sumusunod:

  • Ibayong pagpapalakas sa industriya ng sapatos kasama na ang pagtatayo ng Shoe Trade Center.
  • Pagsisiyasat sa mga gusali at mga pasilidad sa buong lungsod upang tiyakin ang kanilang structural integrity.
  • Pagtataguyod sa Public-Private Partnership bilang stratehiya sa paglulunsad ng mahahalagang economic enterprises.
  • Pagbibigay ng insentibo sa mga mamamayang magbibigay ng kritikal na impormasyon tungo sa pagkakadakip ng mga elementong criminal lalo’t higit ang mga nasasangkot sa bawal na gamot

Sa taong 2014, patuloy tayong mangangarap, patuloy tayong magpupursige at patuloy nating ipadarama ang presensiya ng pamahalaan sa loob ng 24 oras.  Ipagpapatuloy natin ang implementasyon ng 7K Program; at patuloy din nating bibigyan ng prayoridad ang edukasyon (o karunungan), kabuhayan at kalusugan.  Sisikapin nating itaas pa ang antas ng kalidad  ng ating health care delivery services.

Sa aking mga kasama sa panunungkulan, ang taong 2014 ay panibagong oportunidad upang muli nating maipakita na tayo ay karapat-dapat maglingkod sa ating mamamayan.  Ito ay hamon na sama-sama nating haharapin.

Bilang pagtatapos nais kong magbalik tanaw noong taong 2010, kung saan sa aking inaugural address pinasalamatan ko ang aking namayapang ina (si Nanay Genia) sa kanyang pag-aaruga at sa kanyang paghubog sa aking pagkatao.  Sa pagkakataong ito, nais kong pasalamatan ang aking namayapang maybahay sa kanyang pagkalinga sa aming mga anak at sa kanyang pang-unawa sa akin lalu na sa mga pagkakataon na wala ako sa piling ng aking pamilya dahil sa tawag ng aking panunungkulan.  Ang kanyang katatagan na pinatunayan ng kanyang matapang na pakikipaglaban sa matinding karamdaman ay isang alaala na paghuhugutan ko ng lakas sa patuloy kong pagganap sa aking tungkulin.  Sa aking ina at sa aking asawa, ang bawat sandali na igugugol ko sa ating bayan ay alay ko sa inyo.

Maraming salamat po at mabuhay po kayo!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s